Dating department store stock man, licensed teacher na ngayon

Mahirap man ang buhay, hindi ito naging hadlang para kay Mike Gruta na ngayon ay isang ganap ng guro.

Panganay si Mike sa 10 magkakapatid at dahil sa kahirapan ay mas pinili niyang magtrabaho muna upang suportahan ang kanyang mga magulang at kapatid.

“Isa ito sa mga naging dahilan kung bakit hindi ako makapag-ipon ng pera kasi bawat sahod, nagpapadala ako,” ayon kay Mike.

Namasukan si Mike bilang stock man sa isang department store sa Sta. Rosa, Laguna ng halos limang buwan.

“Dahil siyempre, high school graduate ako, hindi naman ako pwedeng bigyan ng posisyon na mas mataas pa roon,” sabi ni Mike.

“Para maregular ka, kailangan college level ka or college graduate ka.”

Dahil sa ganitong sistema, nagpalipat-lipat ng trabaho si Mike. Kasama na rito ang mga trabahong biscuit production crew at production operator sa mga manufacturing companies.

Dito niya napagtanto na mahirap makahanap ng maayos na hanapbuhay sa Pilipinas kung walang college degree kaya naman siya ay nagdesisyong magsimulang mag-aral ng kolehiyo sa edad na 23 upang mabigyan niya ang kanyang sarili ng maayos na kinabukasan.

Siya ay nag-enroll sa kursong Bachelor of Secondary Education major in English sa Sorsogon State University, ang pinaka malapit na unibersidad sa tirahan niya.

“Malaking sakripisyo rin ang tiniis ko para makapag-aral. Lahat ng pagtitipid, ginawa ko para makapagtapos ako,” ayon kay Mike.

Tumulong si Mike sa negosyo kung saan nagtatrabaho ang kanyang lola upang kumita ng pera pangtustos sa kanyang pag-aaral.

Tinulungan din siya ng ilan niyang mga kaklase sa mga gastusin na lubusan niyang ikinapapasalamat.

Nang gumraduate si Mike at ipinasa ang Licensure Examination for Teachers (PRC), siya ay nagturo bilang English as Second Language (ESL) teacher sa mga Japanese na estudyante.

Mike Gruta with his Japanese students

Payo ni Mike sa mga taong kinailangan tumigil sa pag-aaral dahil sa kahirapan ay huwag silang sumuko.

“Maraming paraan kung gugustuhin nating makapag-aral. Pwede tayong magtrabaho muna, mag-ipon o kaya humingi ng tulong kung mayroon tayong mahihingan ng tulong,” ayon kay Mike.

“Mayroon namang mga scholarships na available. Kung kaya natin pumasa, gawin natin. Pero kung hindi naman, may iba pang alternatibong pamamaraan para magkaroon tayo ng access sa education sa tertiary level.”

“Ang pag-aaral, parang isang regalo nalang natin sa sarili natin. Hindi ito dahil sinabi ng ibang tao na mag-aral ka para maging successful, kundi dahil gusto natin mag-aral dahil may gusto tayong marating sa buhay.”

Paalala ni Mike na ang pag-aaral ay para sa lahat ng taong gustong matuto, mayaman man o mahirap, bata man o matanda.

“Hindi ako naniniwala na matanda na tayo sa pagkatuto dahil lahat naman tayo, kailangan matuto. Hindi lang bata, pati matanda. Mainam nga na kahit matanda na tayo, iniibig pa rin natin ang sarili natin sa pag-aaral.”

Sa kasalukuyan ay kumukuha si Mike ng kursong Master of Arts in Education major in Language Education sa University of the Philippines Diliman.

One response to “Dating department store stock man, licensed teacher na ngayon”

  1. Dating Fast Food Crew Member, Licensed Teacher Na – Target Fluent Avatar

    […] Tignan naman dito ang storya ng Dating department store stock man, licensed teacher na ngayon. […]

    Like

Leave a reply to Dating Fast Food Crew Member, Licensed Teacher Na – Target Fluent Cancel reply

Hello!

Welcome to Target Fluent where we share stories and tips to foster learning among Filipino adults. We also organize trainings, seminars, and workshops to help build a community of Filipino adult learners.

Discover more from Target Fluent

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading